Wednesday, August 15th, 2007
Humihilab ang sugat
na pilit pinaghihilom
ng panahong limot
sa alaala’t sawi.
Bingi na ang tainga
sa alulong ng awit
na kagabi lang inialay
ng mga labing may pait.
Imbot at galit
isinasaway sa isip
ngunit di pa maiwaglit
sa pusong dukha
ang hapding inilatay
ng dilang matalim,
ng matang mapanukso,
ng haplos na nakapapaso,
at kailan pa ma’y
di magiging akin.